Muli akong magsusulat
ni: Dizhiotcho Alfabeto
Ilang buwan na ang
nagdaan.
Na sa wari ko’y
milenyo ang itinagal.
Magbuhat nang aking
ipinahinga,
ang aking pluma at
isinantabi.
Kasama ng aking
paboritong kwaderno,
na balot ng alikabok,
mula sa pabalat,
hanggang sa mga nalalabi
nitong bakanteng dahon,
na kung saan malinaw pang
maaaninag,
ang bakas ng mga
isinalansang salita.
Ngunit hindi dahil sa
panulat.
At sa matingkad
nitong tinta.
Bagkus ay sa bigat at
diin,
ng mga masisidhing
damdamin,
na siyang umukit ng mga
kataga.
Emosyong naglapat ng
tugma;
sa mga inilimbag na
salita.
Muli kong naalala.
Ang dahilan at sanhi,
Ng pagdampi ng pluma sa papel.
Ang madalas na
nararanasan ng mga matatanda.
At ang aking kinatatakutan…
Ang dumating ang araw
na ako’y MAKALIMOT at HINDI MAKAALALA.
Sapagkat nagkakaroon
lamang ng kabuluhan ang buhay ng tao,
dahilan sa mga karanasan,
at sa mga naipon
nitong alaala.
At kung dumating ang
panahong ako’y makalimot.
Sa sandaling
makalimutan ko ang mga taong malapit sa akin.
Bukod sa mga larawan,
muli akong magsusulat.
Ihahanay ko’t
isasalansan ang mga salita.
Upang magtugma sa kung
anong aking nararamdaman.
Sa mga panahon ng
paglikom ng aking mga karanasan at alaala.
Bago pa sumapit ang
dapit-hapon ng aking buhay.
Muli akong magsusulat.
Muli akong magsusulat.






