Miyerkules, Hulyo 15, 2015

Mga Saloobin sa Harap ng Dutsa



MGA SALOOBIN SA HARAP NG DUTSA
Ni Dizhiotcho Alfabeto (Joshua Albert Patlin)


Ang tulang ito ay sisimulan ko sa isang anekdota.
Naglalakad ako sa kalsada,
Nang  may madatnan akong patay na pusa.
Kamamatay lang, pagkat dugo’y sariwa.
Aking hinakbangan upang ‘di matapakan.
Subalit may nakakita,
Isang mayuming dalaga.
Matalim niyang mga mata sa aki’y humuhusga.
Hindi ako.. ang pumatay…
Malinis ang aking kamay.
Sa aking paa dugo’y  hindi man lamang dumantay.
Hindi ako ang pumatay!

Ang tulang ito ay hindi kapara ng sa iba.
Hindi ito ROMANSA,
Hindi ito tungkol sa dalawang estrangherong nagkatuluyan.
At hindi ito tungkol sa malanding ugnayan.

Hindi ito KATATAKUTAN,
Hindi ito tungkol sa babaeng kayang ibaluktot ang katawan habang sinasapian.
At hindi ito tungkol sa manikang may mala-rosas na pisnging sinasaniban.


Hindi ito TELENOVELA,
Hindi ito tungkol  sa paslit na hulog ng langit.
At hindi ito tungkol sa karapatan ng mga kabet.

Hindi ito PORNO,
Hindi ito tungkol sa humahalinghing na haponesa.
At hindi ito tungkol sa nagmumurang amerikana.

Hindi…

Iba ‘to?!

Katatapos lang umulan dulot ng bagyo.
Ilang araw nang walang ligo.
Pero ‘di pa naman mabaho.
Tinungo ko ang banyo
Inalis ang saplot.

Ngayo’y tila nanumbalik sa unang sandali ko sa mundo
Sa unang beses na ang hangin ay aking masamyo.

Inabot ang hawakan.
At ipinihit pakanan.
Dahilan upang tubig mula sa Dutsa ay bumagsak sa aking harapan.
Binasa ko ang sarili,
Umagos mula sa aking ulo,
Dumaloy sa katawan,
Hanggang umabot sa talampakan

Napaisip ako,
Habang ikunukulapol sa bumbunan ang artipisyal na gugo.
Nakakasakal ang mundo.
Idinidikta ang bawat kilos at galaw mo.
Walang kang  layang  magdesisyon para sa sarili mo.

Napaisip ako,
Habang nilalanghap ang amoy ng albatross.
Nakakabanas ang mga tao.
 Pagkakamali mo’y naging kabuuan ng iyong pagkatao.
Wala kang ligtas sa mapanghusgang lipunang nakapaligid sa’yo.

Napaisip ako,
Habang hinihilod ang bawat libag na nailimbag sa balat.
Kailan naging batayan ang sukat at timbang sa kakayahan.
Walang dahilan ngunit nakasanayan at naging libangan.

Wala akong nagawa kung hindi pabayaan.
Pagkat mga saloobin sa harap sa dutsa'y tila walang katapusan.

Isinantabi na lamang tulad ng bula na naglaho sa kawalan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento